Post You Might Like

Pamahiin Asawa: Igalang mo ang misis ng namatay

Anuman ang klase ng pagsasama ninyo ng iyong mister, tiyak pa rin na sobra-sobra ang sakit na mararamdaman ni misis kapag pumanaw na ang kanyang mister. Siyempre, inibig din niya ang kanyang pinakasalan at nagkaroon sila ng anak o mga anak. Kung sakaling hindi sila biniyayaan ng anak, hindi pa rin dahilan iyon para hindi niya masabi na hindi niya minahal ang kanyang mister ng abot-langit.


Kaya, naman kahit pa sabihin na naghiwalay ang mag-asawa, darating ang panahon na ang tunay na asawa pa rin ang wagi. Iyon nga lang, depende din iyon kung gusto pang panindigan ni misis ang kanyang karapatan kay mister.

Kung ang mister naman ay walang ginawang mali sa kanyang misis, higit pa rin ang sakit na nararamdaman ni misis kaya sure na laging mugto ang kanyang mga mata.  Sa kanyang isipan kasi’y hindi niya mapigilang itanong, bakit ang mister ko pa? At tiyak na lalo siyang mapapahagulgol kapag naalala niya ang masasaya nilang pinagsamahan ni mister.

Ngunit, hindi naman lahat ng nakapaligid sa’yo ay mabuti rin ang tingin sa namatay o kaya naman ay hindi ginagalang ang misis ng namatayan. Sa halip, nagkakaroon pa ng pagkakataon na nasa burol ka na ay tsinitsismis pa rin si mister na namatay at ang lumuluhang misis.

Kapag ganito ang sitwasyon ay parang nakakagalit na nagpunta ka lang sa burol para may mapag-usapan ang magbabarkadang tsismosa. Ngunit, wala ka namang magagawa dahil talagang may mga taong ganoon, mapababae man o mapalalaki. Kaya ang paalala ko na lamang sa inyo, igalang mo naman ang misis ng namatay.

Mayroong silya na inilaan para sa misis nang namatay. Kaya kung sakaling may atribidang magkakamaling umupo roon ay tiyak na mapaparusahan, ayon sa pamahiin. Malaki ang tendensiya na magalit ang namatay. Kung ang upo roon ay mayroong asawa, mamamatay ang kanyang asawa. Kaya, makabubuting huwag na magtangkang umupo roon lalo’t marami namang bakanteng upuan.

Kaya, kahit kamag-anak ka pa o anak ng namatay, huwag na huwag kang magkakamaling umupo rito dahil baka manganib ang buhay ng iyong mahal. Hindi mo rin naman siguro gugustuhin na pagdaanan ng misis ng namatay, hindi ba?

Sana rin kapag pupunta ka sa burol, huwag ka na magsabi pa ng masasakit na salita dahil baka mamaya ay bumalik sa’yo ang ginawa mo. Hindi man ikaw mapaparusahan ng namatay pero siguradong makakarma ka naman. Tandaan mo rin sana na kapag gumawa ka ng masama sa’yong kapwa ay babalik din sa’yo. 

No comments