Post You Might Like

Mga punong barangay bumuo ng Solid Waste Management – DILG

MAHIGIT dalawang buwan ng nanunungkulan ang mga halal na barangay opisyal, at inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na tutukan nila ang pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga hakbang tungkol sa solid waste management lalo na ngayong tag-ulan.
           DILG OICSecretary Eduardo M Año
“Maging tagapagtaguyod ng kalikasan. Ang pangangalaga sa kalikasan at maayos na solid waste management practices ay dapat nagsisimula sa mga barangay upang mapigilan ang pagbabara ng mga agusan ng tubig na maaaring maging dahilan ng baha,” sabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año.
Sa Memorandum Circular 2018-112, inaatasan ni Ano ang mga bagong halal na barangay na iorganisa o ireorganisa ang kanilang Barangay Ecological Solid Waste Management Committee (BESWMC) na siyang dapat manguna sa pagsasagawa ng community solid waste management program na naaayon sa kanilang mga munisipyo at syudad.


“Ilang beses na po tayong binabaha at ang kadalasang dahilan ay walang matinong daluyan ng tubig kasi nababarahan ng basura. Dapat sana ay naiwasan natin ito kung may tamang solid waste management, hindi pa huli ang lahat,” dagdag pa ni Año.

Ang BESWMC ay binubuo ng Punong Barangay bilang Chairperson, at isang sangguniang barangay, SK Chairperson, President ng Homeowners Association, Public/Private school Principal o kinatawan, isang Parents and Teachers Association President o kinatawan, isang kinatawan mula sa religious organization, business community, environmental non-government organization, junk shop's owners organization at President ng Market Vendors' Association bilang mga kasapi.

Nakasaad sa mga probisyon ng Republic Act 9003 o Ecological and Solid Waste Management Act of 2000 na dapat magtatag ng BESWMC gayundin ang paghihiwalay at koleksyon ng solid waste ay dapat isinagagawa sa barangay, lalo na para sa biodegradable, compostable at reusable wastes.
Hinikayat din ni Año ang mga alkalde at gobernador na ipatupad nang maigi ang mga polisiya at panuntunan ukol sa ESWM para ang mga komunidad ay hindi na makaranas ng matinding pagbaha dulot ng basura.

Ang iba pang mga responsibilidad ng BESWMC ay ang mga sumusunod: magtatag sa kanilang nasasakupang barangay o sa cluster ng mga barangay ng Material Recovery Facility (MRF); maglaan ng pondo para sa programa ng ESWM na aprubado ng sangguniang barangay at isama sa Barangay Development Plan at/o Annual Investment Plan.

“Mahalaga ang BESWMC upang maisakatuparan ang mga inisyatiba tungkol sa ESWM sa mga barangay. Inaasahan ito na magsagawa ng pagsasanay sa barangay kung saan ang mga paksa ay segregation, composting, recycling at livelihood opportunities," paliwanag ni Año.

Sinabi pa ng DILG Chief na ang barangay-level committee ay inaasahang magsagawa ng sistema tungkol sa pagbili at pagbebenta ng recyclable wastes kasama na ang mga pataba ng lupa at pagtataguyod ng mga gawaing pangkabuhayan mula sa mga waste materials.
 
“Upang masiguro ang suporta at pakikipagtulungan ng mga residente ng komunidad at iba pang mga stakeholders, maaari ding magsagawa ng mga ordinansa ang mga barangay para magkaroon ng mga parangal, magbigay ng mga insyatiba o parusa sa mga sumusunod at di sumusunod sa mga alituntunin,” dagdag pa niya.

No comments