Post You Might Like

Pamahiin Buhok: Malas ang magsuklay sa gabi

Kung maganda ang iyong buhok, magiging malakas na rin ang appeal mo. Kalimitan kasi, ang buhok ang siyang nagpapaganda o nagpapaguwapo sa isang tao. Kaya naman kahit na hindi matangos ang iyong ilong, magiging pansinin ka pa rin kung maganda ang iyong buhok.


Iyon ang dahilan kaya hindi nawawalan ng trabaho ang mga taga-parlor at barber shop. Maraming tao ang gustung-gustong magkaroon ng magandang buhok kaya naman para maging ma-appeal sila ay kailangan nilang magpa-straight, magpa-kulot, magpa-cellophane, magpagupit at kung anu-ano pa. Marami rin silang style na magagawa sa buhok.

Iyon nga lang, hindi naman lahat ng tao ay can afford na magpaganda ng buhok sa kung saan-saang parlor kaya para sa iba, tama na ang pagsuklay-suklay ng buhok. Ang pagsuklay kasi ng buhok ay nakakaganda. Sabi nga ng marami, kung gusto mong magkaroon ng magandang buhok, kailangan mo itong suklayin ng isang daang beses.


Hindi man ako madalas magsuklay ng buhok pero masasabi kong talagang gumaganda ang aking buhok kapag ito ay sinusuklay ko. Iyon nga lang, may kakulitan din ang buhok ko kaya may pagkakataon na bigla itong bumabalik sa pagiging sabukot. Kaya lagi akong matanong ng ‘mahangin ba sa labas?’

Ikaw, gaano mo ba kamahal ang iyong buhok?

Kung lagi mo itong sinusuklay, nangangahulugan ba na importante sa’yo ang iyong buhok? Kung lagi mo itong sina-shampoo, ibig bang sabihin nito’y magiging maganda na siya palagi? Ngunit, bakit may mga kaklase ako dati na sobra-sobra ang pagmamahal sa kanilang buhok. Kung anu-anong nilalagay nilang gel, spray net at nagpahaba pa ng buhok pero makalipas ang dalawampung taon ay kalbo na?

Kahit gaano mo kamahal ang iyong buhok, kailangan mo pa ring sumunod sa mga pamahiin dahil kung isnabin mo ito ay maari kang malasin. Tulad nga ng pagsuklay sa buhok sa gabi. Hindi mo kasi namamalayan na sa sobrang pagsuklay mo ay marami na rin ang nalalagas mong buhok ngunit hindi mo iyon alintana dahil ang nais mo lang naman ay mapaganda mo ang iyong buhok.

Maganda naman sana ang intensyon mo pero kailangan mo ring malaman na sa sobrang pagsusuklay mo ay nasasaktan ng todo ang iyong anit. Baka rin hindi mo alam, ang buhok ay maaari ring magtampo. Ito ang tipong kapag inalagaan mo ng masyado tapos bigla kang nagpagupit. Naku, baka hindi na tumubo ‘yan.

Kaya kung ayaw mong masira ang buhok mo, huwag mo na itong susuklayin sa gabi o kaya huwag kang magpapaayos ng gabi dahil malaki ang tendensiya na magtampo ang buhok mo at magiging dahilan pa iyon para ikaw ay makalbo. Kung talagang matigas ang ulo mo na magsuklay pa rin sa gabi sa kabila ng paalalang ito, makabubuting kagatin mo ang dulo ng iyong suklay para makontra ang mapipintong pagkakalbo mo.

O, gusto mo bang gumanda ang iyong buhok o ready ka talagang makalbo? Pili ka na.

No comments