Post You Might Like

Pamahiin Kabaong: Irespeto ang patay

Kapag may topic tungkol sa patay, ang agad na sumusuot sa isipan ko ay ang pelikula nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na Pagpag. Ipinapakita kasi rito ang mga hindi dapat gawin kapag mayroong patay.


Hindi naman kasi porke wala na sa mundong ito ang isang tao, kalilimutan mo na ang katagang ‘respeto’. Ang mga sandaling nakaburol ang isang tao ang magiging patunay na kaya mo pa rin siyang igalang hanggang sa huli. Kaya, wala naman akong nakikitang dahilan para hindi mo sundin ang ilang pamahiin na may kaugnayan sa patay. Doon kasi mapapatunayan na talagang iginagalang mo siya sa nalalabing araw na nandito siya sa mundong ito. Kahit pa sabihing wala na sa katawan niya ang kanyang kaluluwa.

Naririto ang Mga hindi mo dapat gawin kapag may patay.

Una, huwag mong susuwayin ang huling habilin ng namatay. Kailangang tiyakin mo na ang mga ibinilin niya sa’yo ay nasunod mo. Kung hindi, never siyang matatahimik sa kanyang kinaroroonan. May tendensiya pa na magparamdam siya sa’yo palagi para ipaalala sa’yo na sinuway mo ang kanyang habilin.

Pangalawa, huwag kang pupunta sa burol kapag ikaw ay may sugat o sakit na nararamdaman. Kung mahalaga sa’yo ang isang tao, hindi mo siya pupuntahan dahil baka mahawa mo siya. Pero, dahil patay naman ang iyong pupuntahan, hindi mo naman iniisip na may mangyayari pang masama sa kanya. Ngunit, paano naman ang nakapaligid sa kanya? At dahil nga sa parang hindi mo inirerespeto ang nakaburol dahil nagpupunta ka roon kahit may sakit ka, ang patay ang magpaparusa sa’yo. Dadagdagan pa niya ang iyong sakit.

Kung may sugat ka ay hindi iyon basta-basta gagaling. Kung may ubo o sipon ka, mas lalala pa iyon. Kahit anong gamot ang inumin mo ay hindi gagaling. Ang tanging makakapagpagaling sa’yo ay ang dahon o bulaklak na makukuha mo sa patay. Kailangan mo iyong sunugin at saka mo langhapin. Nangyari na ito sa akin kaya alam kong may katotohanan ito.

Pangatlo, bawal ang magsuklay at maligo kapag may nakaburol. Ibig kasing sabihin nito, hindi mo inirerespeto ang patay. Kung magsusuklay ka sa harap ng patay, nasaan ang pagrespeto doon? Okay lang naman na maligo ka pero huwag sa pinagbuburulan dahil tiyak na ikagagalit iyon ng patay. Magiging dahilan pa ‘yan para ikaw ay magkasakit.

Pang-apat, huwag mong tutuluan ng luha ang kabaong. Kahit gaano mo pa kamahal ang namatay, huwag na huwag mong hahayang tumulo ang luha mo rito. Hindi kasi matatahimik sa kabilang buhay ang namatay.

Panlima, bawal matulog ang lahat sa pinaglalamayan. Kailangan ay mayroong gising dahil kung hindi ay mayroon daw aswang na pupunta at papalitan ang katawan ng nakaburol. Maaari ngang para sa marami ay isa itong kalokohan pero kung talagang inirerespeto mo ang patay, mas gugustuhin mong bantayan na lamang siya dahil ilang araw na lang naman ang ilalagi niya sa mundong ito.

Marami pang mga pamahiin tungkol sa patay akong nais na ibahagi pero minabuti ko munang putulin ito sa lima dahil masyado ng hahaba. Kaya’t minabuti kong ituloy na lamang sa ibang araw. 

No comments