Post You Might Like

FPJ’s Ang Probinsyano: Review

Nakakasawa na!  Ito ang madalas kong marinig kapag napag-usapan ang TV series ni Coco Martin. Umabot na rin kasi ito ng tatlong taon at kung hindi ako nagkakamali ay matagal pa bago ito magwakas. May biru-biruan na na ang teleseryeng ito ay magtatapos pa sa 2048. Kahit nga daw puro uban na ang buhok ni Cardo ay lumalaban pa rin.


Ngunit, kahit pa sabihin na marami na ang nagsasawa sa palabas na FPJ’s Ang Probinsyano, marami pa rin ang nagmamahal sa teleseryeng ito ni Coco Martin. Katunayan, laging mataas ang rating nito kaya kahit marami ang bashers, siguradong natatabunan iyon ng mga fans ni Ricardo Dalisay (Coco Martin).

Sa panahon ngayon, talagang kailangan natin ang magkaroon ng tagapagtanggol at sa mga mata ng manonood si Cardo Dalisay ang itinuturing na superhero. Mas malupit pa nga siya kaysa kay Superman dahil kahit gaano karaming bala ay naiiwasan niya. Gayunman, may pagkakataon naman na tinatamaan siya ng bala pero nakaka-survive pa rin. Bida, eh!


Nakakagalit mang panoorin ang mga tauhan tulad Vice President Lucas Cabrera (Edu Manzano), Renato ‘Buwitre’ Hipolito (John Arcilla) at Homer ‘Alakdan’ Adlawan (Jhong Hilario) ay hindi pa rin natin ito maiwang panoorin. Hindi lang dahil sa mga epektibo silang kontrabida kundi dahil ang istorya ng FPJ Probinsyano ay inihango rin sa tunay na buhay. Sa panahon ngayon ay marami ang mga taong gutom na gutom sa kapangyarihan. Na handang pumatay para lamang magkaroon sila ng pagkakataon upang magkaroon ng mataas na posisyon para makagawa ng kung anu-anong krimen. Gayunpaman, kahit maraming masasama sa mundong ito, hindi pa rin mawawala ang mga taong magtatanggol sa bansa.

Kahit na sila ay rebelde, mayroon naman silang ipinaglalaban. Kaya, hindi rin natin makuhang magalit sa mga miyembro ng Pulang Araw na mas kilala na ngayon bilang Vendetta. Ito ay pinamumunuan ni Romulo ‘Leon’ Dumaguit (Lito Lapid). Ipinapakita rin sa palabas na ito na hindi lahat ng inakala nating ‘kriminal’ ay ang tunay na gumagawa ng krimen.

Sa aking palagay kaya mas tumataas ang rating ng FPJ’s Ang Probinsyano ay dahil tinutulungan tayo ng bawat tauhan sa serye na ito na ipamulat sa atin na may katotohanan tayong pinaniniwalaan na isa palang kasinungalingan. Kaya, kailangan ang mga tao ay maging matalino sa pagpili kung sino nga ba ang paniniwalaan at pagkakatiwalaan. At dahil nga naniniwala si President Oscar Hidalgo (Rowell Santiago) na ang Vendetta ang masasama, ang grupong ito ang pilit niyang tinatakasan gayung ang totoo, ang nagtangkang pumatay sa kanya at pumatay sa kanyang pamilya ay ang taong kanyang pinagkakatiwalaan.

Kaya, bago ka magdesisyon, limiin mo muna ang tunay na nangyayari.

Sana ay patuloy nating subaybayan ang FPJ’s Ang Probinsiyano.


No comments