Post You Might Like

Babaeng laging bigo sa lalaking nagugustuhan

Dear Maria Angela,
Alam mo ba, lahat na lang ng lalaking nagugustuhan ko’y hindi ako type tapos ang mga kaibigan ko pa ang nagugustuhan. Pakiramdam ko tuloy, ang pangit-pangit ko. Kung minsan tuloy natatanong ko pa sa sarili ko kung bakit pa ako nabuhay? -- Joy


Joy,
Hindi ka naman nabuhay lang sa mundong ito para maging masaya. Siyempre, kasama roon ang paghihirap at pagsubok. Saka, kailangan mong isaksak sa utak mo na masuwerte ka dahil mayroon kang hininga. Ang dami kaya riyan na gustong mabuhay pero may taning na. Kaya, huwag mo na problemahin ang mga kabiguan mo sa pag-ibig. Isipin mo na lang na ang mga lalaking hindi napapansin sa beauty mo ay hindi karapat-dapat para sa’yo.

May mga lalaki kasing nakabase lang sa hitsura ng mga babae kaya kung ganoon ang mga nagugustuhan mo, wala kang magagawa. Isipin mo na lang na sila ang tipo ng mga taong mababaw dahil mas gusto nilang tumingin sa panlabas na hitsura kaysa kilalanin ang pagkatao ng isang tao. Kaya nga lang, baka naman mabait din naman ang kaibigan o mga kaibigan mo kaya sila ang nagugustuhan ng nagugustuhan mo.    

Anuman ang kasagutan, tangapin mo na lang. Masakit nga ‘yan ngayon pero hindi naman maaaring mabubuhay ka na lang sa sakit. Mas maigi pa ring tangapin mo na lang ang katotohanan para agad kang makapag-move on. Ganoon lang naman ang buhay. Ngayon kung sa tingin mo ay may kulang sa hitsura mo, mag-ayos ka. Baka naman kasi wala ka ring pakialam sa hitsura mo kaya hindi ka napapansin. Aba’y huwag naman ganoon.

Kung gusto mong mahalin ka ng ibang tao, mahalin mo rin ang sarili mo. Kailangan din ay magkaroon ka ng self confidence. Kapag nagawa mo ‘yan, sinisigurado ko sa’yo na marami rin ang makakapansin sa’yo. Sana lang din, huwag mong masyadong ituon ang pansin mo sa’yong lovelife. Hindi lang naman sa pag-ibig dapat umikot ang iyong mundo. Isipin mo rin ang kinabukasan mo. Kung nag-aaral ka pa lang mag-aral kang mabuti para makakuha ka ng magandang trabaho. Kung nagtatrabaho ka na, pagbutihin mo ang iyong trabaho para mas gumanda ang iyong buhay.

Huwag mo na isipin pa ang mga lalaking hindi pinansin ang ganda mo. Isipin mo lang, may iba pang lalaking inilaan ang tadhana para sa’yo. Malay mo, ang lalaking iyon ang the best para sa’yo. Kaya, huwag mo na munang masyadong hintayin ang pag-ibig. Kusa ‘yang darating sa takdang araw. Maghintay ka lang.

Salamat sa pagbasa sa Dear Maria Angela.


No comments