Post You Might Like

Pamahiin Salapi: Ang suwerte at kamalasang dulot ng barya

“BARYA na lang ang pera ko,” ito ang malungkot na sinasabi natin kapag naghihingalo na ang pera natin sa wallet. Maaari kasing noong sumahod ka ay naging gastador ka kaya makalipas ang ilang araw ay hindi mo na malaman kung saan ka maghahagilap ng pera.


Nakakalungkot man na ang nalalabi mong pera ay piso, limang piso at sampung piso. Isama mo na rin ang mga tig-be-beinte singko, masasabi kong mapalad ka pa rin dahil may tendensiya na muli pang dumami ‘yan.

Paano?

Kung ang pitaka mo ay hindi mo hahayaang mawalan ng barya, sa malao’t madali ay magkakaroon din ‘yan ng kasama. Ang barya kasi ay maikukumpara rin sa tao. Nagtatawag ng mga kaibigan. Kaya kung mayroon kang barya sa pitaka, suwerte naman ang kanyang tatawagin.

Kaya, kung talagang ayaw mong dumating ang araw na mawawalan ka ng salapi sa’yong bulsa o pitaka, kailangan mong maglagay ng pampasuwerte sa’yong pitaka o wallet.

Kung minsan, kapag marami tayong pera sa bulsa, naiinis tayo kapag marami tayong barya kaya ang tendensiya natin ay ginagastos natin iyon. Ngunit, kung mapapansin mo, kapag nawala na ang barya sa ating bulsa o pitaka, parang kaydali na ring maubos ng ating pera. Kaya, madaling mag-goodbye sa atin ang suwerte dahil hindi tayo marunong magpahalaga sa barya. Gayung kung susuriin mo ang kanyang hitsura ay maaari siyang ma-magnet. Kaya, maaari rin siyang makakuha ng suwerte.

Kaya, matapos ninyong basahin ang artikulong ito, simulan na ninyo ang mag-ipon ng basya. Malaki rin naman ang maitutulong niyan kapag wala ka na talagang pera. Kapag pinagsama-sama mo naman kasi ang mga barya, malaking pera rin ‘yan. Isa pa, kapag nakikita mong barya na lang ang pera mo, mas nagiging matipid ka. Kaya, simula ngayon, kung talagang gusto mong suwertehin ay pahalagahan mo ang mga barya.

Ngunit kung ikaw naman ay makakapulot ng barya, huwag kang ganong matuwa. Hindi kasi ibig sabihin niyan ay susuwertehin ka. Pupuwede ka rin kasing malasin. Alam mo ba kung bakit? Hindi mo kasi alam kung sino ang nagmamay-ari ng barya na ‘yan. Paano pala kung ang nagmamay-ari pala ng perang napulot mo ay nababalutan ng negative energy. Siguradong malilipat sa’yo ‘yan. Kaya, pupuwede ka ring malasin.

Gusto mo ba iyon?

Siyempre ‘hindi’ ang sasabihin mo. Kaya, huwag na maging matigas ang ulo mo. Pakabasahin at intindihin mo na lamang itong artikulong Ang suwerte at kamalasang dulot ng barya.





No comments