Post You Might Like

Utak talangka ka ba?

Tunghayan ang artikulong Utak talangka ka ba?
 
Huwag kang utak talangka!


Inggit, ito ang dahilan kaya hindi umasenso ang mga Pilipino. Kapag nakikita nilang umasenso ang kapwa nila, gagawa sila ng paraan para bumagsak ito. Maaaring inakala nila na kapag nakita nilang bumagsak ang taong kinaiinggitan nila, sila na ang papalit sa puwesto nito at maaring iniisip din nilang magkakamal sila ng limpak-limpak na salapi gaya ng taong pinabagsak nila.

Ganoon ka ba?

Bago mo pabagsakin ang isang tao, mag-isip ka muna kung kaya mo ba talaga siyang palitan sa kanyang kinalalagyan. Kung sasabihin mo namang hindi mo kaya tapos pinakikinabangan mo naman ang taong pinaplano mong pabagsakin, kaya ang ending, pati ikaw ay babagsak. So, paano na ang plano mong pag-asenso? Lumipad na rin sa kawalan.

Kaya, kaysa naman mag-isip ka para hilahin pababa ang isang tao, gumawa ka na lang ng sarili mong paraan para ikaw ay umasenso. Ang taong kinaiinggitan mo ay gawin mong inspirasyon para makuha mo rin ang iyong gusto. Baka nga kapag kinaibigan mo pa siya at nagpaturo kung paano siya umasenso ay mas malayo pa ang mararating mo.

Sa ating buhay, kailangan nating maging mabuting tao. Huwag tayong gagawa ng anumang bagay na makapapanakit dahil tinitiyak ko sa’yo na hindi ka naman aangat diyan. Tandaan mo, ang taong gumagawa ng masama ay hindi nagagawang magtagumpay. Bagkus, ito pa nga ang daan para siya ay mas maging miserable. Kaya kung gagawa ka ng kasamaan sa kapwa mo, pag-isipan mo munang mabuti dahil malaki ang tendensiya na malasin ka lang.

Nakakainis talaga kapag nakakaramdam ka ng inggit dahil pakiramdam mo naman ay mas may maipagmamalalaki ka sa kanya. Gayunpaman, hindi dahilan iyon para sabihin mo sa’yong sarili, ibagsak mo siya.

Kaya, easy ka lang diyan. Huminga ka nang malalim. Mas maigi kung iisipin mo kung ano ang gagawin para ikaw ay umangat. Kailangan mo siyempreng sikapin na ituon ang iyong utak kung ano nga ba talaga ang iyong kakayahan. Kapag napagyaman mo ‘yan, tinitiyak ko sa’yo na aasenso ka rin o magkakamal ka ng limpak-limpak na salapi.

Kaya please lang, huwag ka na mainggit pa sa magandang narating ng iba. Mas maigi pa kung magiging masaya ka na lamang para sa kanya. Gagaan pa ang loob mo dahil wala kang anumang nararamdamang nega sa kanya.

Sana naman kahit paano ay na-realize mong tama ang sinasabi ko. Sana sa pamamagitan nito ay huwag mo na pairalin ang pagiging utak talangka mo.



No comments